Monday, August 23, 2010

Sa kabila ng pagkakapiit ng Morong 43: Manggagawang pangkalusugan tuloy sa paglilingkod

By Darius Galang

Hindi natatakot ang mga panggagawang pangkalusugan sa bansa na maglingkod sa mga maralita sa kabila ng pagdukot at pagpapahirap ng militar ang tinaguriang “Morong 43.”

Ito ang napatunayan ng Council for Health and Development (CHD) matapos matagumpay na nakapaglunsad ang organisasyon ng kanilang ika-10 General Assembly of Community-Based Health Programs (CHBP) in the Philippines.



Bitbit ang temang “Reaffirm Our Commitment To Serve People Amidst Intensifying Repression And Worsening Economic Crisis,” nagtipon ang mga manggagawang pangkalusugan mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang ipagtibay ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mahihirap na komunidad.

“Despite the odds, community-based health programs staff and CHWs hold on to their commitment to serve the poor and put people’s interests above self,” saad ni Sr. Edit Eslopor, OSB, tagapangulo ng Board of Trustees ng CHD.

Dumalo sa pagtitipon ang mga delegado mula sa Bikol, Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, National Capital Region, Hilaga, gitna at Kanlurang Visayas, Hilagang Mindanaw, Caraga, Socksargen at Zamboanga Peninsula.

Kasama sa kanilang ipinaglalaban ngayon ang pagpapalaya at pagbibigay hustisya sa tinaguriang “Morong 43” na kapwa nila manggagawang pangkalusugan na dinukot noong Pebrero, tinortyur at patuloy na ikinukulong ng militar at pulisya.

“What happened to the ‘Morong 43′ may have sowed fear among our CHWs and CBHP staff, but it is only temporary,” banggit ni Eslopor.

Dagdag niya na mula pa noong 1973 dinanas na ng mga CBHP ang iba’t ibang balakid ngunit patuloy ang pangangailangan sa kanilang serbisyo dahil sa palalang kondisyon ng serbisyo medikal at kakulangan ng batayang serbisyong panlipunan, laluna sa mga komunidad sa kanayunan.

Samantala, tumungo ang mga pamilya’t tagasuporta ng Morong 43 sa Kongreso upang dumulog ng dagdag tulong mula sa mga mambabatas. Umaasa silang ang oversight functions ng Kongreso makikita kung ano ang constitutional rights ng Morong 43 na nilabag ng iba’t ibang puwersa ng estado at ng nakaraang administrasyong Arroyo.

Nagbigay rin ang mga kaanak at tagasuporta ng mga puting rosas at liham ng apela kay Quezon Rep. Lorenzo Tañada III para sa suporta sa pag-usad ng kaso ng Morong 43.

Pinamunuan ng CHD at Community Medicine Development Foundation o COMMED ang health skills training na isinagawa sa Morong, Rizal noong Pebrero nang salakayin militar ang kanilang pagtitipon. Umabot sa 43 manggagawang pangkalusugan ang ilegal na inaresto ng mga elemento ng Philippine Army at Philippine National Police, tinortyur, pinagkaitan ng kanilang mga karapatan at patuloy na idiniditine hanggang ngayon.

Sa kabila ng pagkakapiit ng Morong 43: Manggagawang pangkalusugan tuloy sa paglilingkod

No comments:

Post a Comment