By Darius Galang
Isang bangkay ng binatang lalaki ang natagpuang lulutang-lutang sa Pasig River noong Marso 18, 2001. Balot na nga ang kanyang katawan ng isang karpet, binalutan pa ng packing tape ang kanyang mukha. Nakagapos pa ang kanyang mga paa at kamay.
Ang binata ay si Mark Welson Chua, isang estudyante ng University of Sto. Tomas. Ayon sa mga imbestigasyon, biktima si Mark ng pamamaslang matapos isiwalat niya sa pahayagang pangkampus na The Varsitarian ang mga anomalya at pangungurakot sa loob ng programang Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa kanyang pamantasan.
Ito ang nagbunsod sa sunud-sunod na mga pagkilos ng kabataan upang lansagin ang ROTC sa kani-kanilang mga paaralan at maging mismo sa legal na balangkas ng Konstitusyon ng bansa.
Ngunit nitong nakaraang mga linggo, tila ibinubuhay pa ng administrasyong Aquino ang naturang programa. Iminungkahi ni Cebu Rep. Eduardo Gullas sa Kamara ang revival ng mandatory na ROTC, habang aktibo namang itinutulak ni Defense Sec. Voltaire Gazmin kay Pang. Benigno Aquino III ang panukalang ito.
“Palagay namin, panahon na para hilingin muli natin sa mga kaibigan sa Kongreso na iisponsor ang panukalang batas na gawing mandatory muli (ang ROTC)…Palagay namin, wala namang dapat ipag-alala rito,” ani Brig. Gen. Jose Mabanta Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Depensa naman ni Gazmin, kailangang buhayin ang ROTC dahil nagiging mas makabayan ang kabataang napapasailalim sa naturang programa. Siyempre, maraming organisasyon ng kabataan ang umangal. Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, isang kultura ng panunupil at militarismo lamang ang pinalalaganap ng ROTC, bukod pa sa matagal nang naisiwalat na mga kaso ng korupsiyon at pagmamalupit sa pagitan ng mga kadete at opisyal ng programa.
Balik-tanaw
Taong 1862 nang unang itinatag ang ROTC sa US bilang isang college elective na nakatuon sa pagsasanay at disiplinang militar. Lahat ng alyadong bansa ng US ay sumunod sa programa. Kasama rito ang Pilipinas, na kolonya ng US, noong 1912. Kauna-unahang yunit ng ROTC ang itinatag sa Unibersidad ng Pilipinas.
Matapos ang direktang kolonisasyon ng US sa bansa, nagpatuloy ang ROTC bilang college elective sa lahat ng lalaking estudyante ng Pilipinas. Nakasaad sa Saligang Batas ang mandato ng ROTC bilang isang malaking haligi ng defense structure ng bansa. Dito kukuha ng lakas-pantao ang armadong puwersa sa lahat ng sangay nito – ang army, navy at air force – sa panahon ng giyera.
Dalawang taon noon na mandatory sa mga estudyante upang tapusin ang Military Science. Sa mga gustong magkaroon ng reserbadong mataas na ranggo sa serbisyong militar, apat na taon silang mapapasailalim sa naturang programa.
Biktima ng ROTC
Ngunit sa pagdaloy ng panahon, nakita ang ilang mga anomalya hanggang sa korupsiyon sa loob ng programa nito, hanggang humantong pa ng pagkamatay ng isang estudyante at kadete na sumasailalim sa pagsasanay ng programang ROTC.
Ayon sa ama ni Mark Welson Chua, “mahal na mahal (ng kanyang anak) ang programa kaya gusto niyang iwasto ang kamalian nito, at maghain ng reporma.”
Isang paglalathala ukol sa mga katiwalian ng mga opisyal ng ROTC hanggang sa kultura nito ang kanyang inilabas sa The Varsitarian, ang pahayagan ng mga mag-aaral ng UST, noong Marso 2001. Tinanggal sa puwesto ang commandant ng UST kasama ang kanyang staff. Nakatanggap rin ng death threats si Chua matapos ang mailathala ang artikulo. Ilang araw bago natagpuan ang kanyang bangkay, asignatura niya ang isang security training sa Fort Bonifacio.
Sa awtopsiya, buhay pa siya nang itapon siya sa ilog. Isa sa akusado ay nahatulan na ng kamatayan, habang nagtatago pa rin ang tatlo pa.
Balik-tanaw sa muling binubuhay na patay: Kasaysayan ng ROTC sa bansa
No comments:
Post a Comment